Spoken Word Poetry: Walang Tayo

May mga bagay talaga na kahit anong pagaayos gawin mo, sira pa rin.

May mga tao na kahit anong pagbabagong gawin, ganun pa rin.

May mga alaala sa nakaraan na pinipilit limutin, pero ayun, bumabalik pa rin.

Parang ikaw at ako, kahit anong gawin ko, bawal pa rin.

Hindi naman kasi ako umaasa. Hindi naman kasi ako tulad ng iba na dumidepende lang sa isa. Pero bakit ganito ang aking nadarama?

Nahuhulog na ba ako o ito’y sadyang kathang isip lamang?

Teka, naalala ko. Hindi pala ako pwedeng mahulog. Hindi din kita pwede mahalin. Maling mali kung aking gagawin. Kung pwede lang kita lapitan at sabihan na huwag mo akong ngitian, ginawa ko na.

Nakakabastos lang. Mahuhulog ako sayo pero ikaw hindi? Makisama ka naman, uy. Saluhin mo naman ako.

Bakit kasi hindi nalang natin mahalin ang mga taong mahal tayo? 

Siguro kasi pinaglalaruan tayo ng tadhana, na kung sino yung mahal natin, may mahal palang iba at kung sino naman yung mahal tayo, niloloko natin. Ang gulo, no?

Sabagay, kung ano yung ikinakumplikado ng buhay ko, ayun yung ikinagulo ng puso mo. At kung ano pa ikinalabo ng mata mo, ayun naman yung ikinalinaw ng nadarama ko.

Pero hayaan mo na. Kung tayo naman para sa isa’t isa, eh di masaya. Kung hindi naman, ayos lang. Masaya naman ako kahit nandyan ka lang. Hindi ko sasabihing mahal kita, kasi hindi naman. Walang kasiguraduhan ang lahat. Pero isa lang masisigurado ko, masaya ako kasi nandyan ka.

—  First blog post for 2017! Another spoken word poetry written in Filipino. I hope you all follow me again through my journey in writing this year. Lots of love! ❤

 

Spoken Word Poetry: Katapusan

Libo – libong panahon, ngunit ito ang pinili ko.

Minu – minuto, oras oras, ikaw pa rin ang hanap ko. Ngunit ako ba ang nasa piling mo?

Ako’y magpapakatotoo, ito’y nagbago. Malamig ang simoy ng hangin kagaya natin. Ang mga salitang ikaw at ako ay isang pagkakamali na gusto kong gawin muli.

Marami akong katanungan. Katanungan na may masakit na kasagutan. Mga kasagutan na nais kong ipagdiinan sa akin upang ako’y makalaya na.

Nagkasakitan. Nagkasawaan. Ito ba ang tinatawag na sakripisyo? Ito ba ang nakatadhana sa atin? Saan ba ako nagkamali? Doon ba sa mahal pa kita at may mahal ka ng iba? O doon sa pagsiksik ko sa sarili ko ngunit ayaw mo na? Sabihin mo naman para hindi na ako mangapa.

Siguro nga ganon kita kamahal. Mas pinili kong palayain ka para lamang sumaya ka. Sumaya ka, sumaya sa piling ng iba. 

Kinabukasan, hindi ko matandaan na ilang pasko na pala ang nakalipas na wala ka. Kasunod nito ang pagsalubong sa bagong taon. Pagsalubong ko sa bagong taon na mag isa.

Bagong taon, bagong tao, bagong karanasan, bagong pag ibig, bagong kasakitan pero higit sa lahat, bagong ikaw at ako.

Panibagong panahon para sa ating dalawa na may kapiling ng iba. Panibagong mga ala ala na mabubuo natin kasama ang sila, na tayo dapat ang nakatakdang bumuo. Panibagong pagkakataon upang itama ang mali at panibagong panahon upang makapagsimula. Panibagong panahon para makapagpaalam sa lahat ng alaala na dapat kalimutan.

Kaya salamat sa lahat ng ngiti, alaala at sakit na paniguradong magiging mapait. Sa ating pagsasama at pagtawa na walang makakatumbas na kahit sino man at mga litratong pinirapiraso dahil sa isang mapait na nakaraan.

— Hello everyone! Another spoken word poetry written in Filipino.

 

 

Spoken Word Poetry: Pansamantala

Sa pagitan ng araw at buwan, tayo’y magkatabi.

Mga ngiting matamis at ating mga palad na magkahawak.

Hindi maglalayong hindi magkagustuhan, ngunit hindi rin maglalapit ang dahilang magmamahalan.

Natatakot ako at maaaring hindi pwede. Hindi pwede? Oo, hindi.

Dahil may masisira. Masisira ang ating pinaka iingat – ingatang pagkakaibigan.

Dumating ang panahon na ako’y nahulog sa iyong patibong. Patibong ng pagmamahal.

Hinayaan kong mahulog ang sarili ko sayo. Sa inaakalang  ako’y sasaluhin mo. Oo, sinalo mo nga ako.

Sinalo mo ako at pinasaya. Naramdaman ko ang kasiyahan na matagal ko ng inaasam.

Sa wakas, nakuha ko na! Nakuha ko na, ngunit pansamantala lang pala. Pansamantalang kaligayahan mula sayo.

Wala ka bang konsensya?

Mahal, oo, mahal kita. Apat na taon ang aking hinintay para lamang masabi kong akin ka. Naging akin ka, ngunit pansamantala lang pala.

Ang hirap kumaripas ng takbo sa taong ayaw magpahabol sayo. Kagaya mo, pinasaya na kita at lahat pero matinding sakit pa rin ang ibinalik mo sa akin.

Gaano ka ba ka – manhid, ha?

Mahal, sana’y maging masaya ka sa pinili mong desisyon. Pinili kong manatili, pinili mong lumayo.

Saan ba talaga ako lulugar? Oo nga pala, wala na akong lulugaran dahil manhid ka, hindi mo nararamdaman ang pinagdadaanan ko at nakuha ka na niya.

Masasabi kong magiging masaya ako sa piling ng iba. Magiging masaya ako ng wala ka.

Sa susunod na pagtingin ko sayo na may kasama ng iba, magiging masaya ako. Hindi para sayo, ngunit para sa sarili ko.

Dahil sa simpleng pagtingin ko sayo noon, na umabot sa puntong ako’y nagpakatanga at nagpakapagod, masasabi kong mas nakita ko ang halaga ko.

Ang mga pansamantalang pagmamahal at kaligayahan na ipinaranas mo sa akin ay makikita ko sa isang taong permanente kung ako’y pahalagahan.

Kaya paalam, aking mahal. Sa susunod na ako’y magmamahal, ipapangako kong pahahalagahan at mamahalin ko siya, hindi pansamantala, kung hindi pang habang – buhay. 

— Another tagalog spoken word poetry! Dedicated to my friend and schoolmate, Liano.

 

Spoken Word Poetry: Parang Bula

                                                               Edited by Hannah Rodrigo | Words by Mary Alamis

Naalala mo pa ba yung nga panahong ako’y iyong sinusuyo?

Yung mga panahong tayo ay magkasama.

Mga panahong ako’y iyong tinitignan at nginingitian.

Naalala mo pa ba noong sinabi ko ang sagot na “oo” at ika’y aking hinalikan?

Mga sabi – sabi at mga pangakong napako at naging bula.

Naalala mo pa ba noong ako’y natutulog at ako’y sinabihan mo na mahal mo ako?

Mga pangakong napako at ang pagmamahal na nawala.

Oo, nawala.

Nawala dahil tayo’y nabigla sa mga pangyayari.

Pero bakit? Bakit hindi ka lumaban?

Oo, lumaban ka ngunit hindi pa ito sapat. Lumaban ka nga dahil ako’y mawawala.

Hinayaan mong mawala ang salitang “tayo” dahil nakahanap ka ng iba.

Anong wala sa akin na nahanap mo sa iba?

Nakakatawang tanong, hindi ba?

Kung ang iyong buong akala ay magpapakatanga pa ako sa iyo, nagkakamali ka.

Hindi na.

Naalala mo ba ang mga pagkakataon na sinabi mo na hindi mo ako iiwan?

Tingnan mo ngayon, ang panahon ay nagkabaliktad.

Mismong ang tadhana na nga yata ang nagpapalayo sa ating dalawa.

Mga magaganda at mabulaklak mong salita kaya ako’y naniwala.

Naaawa ako sa sarili ko noong ika’y hinabol habol ko.

Anong nangyari, bakit tayo’y nagkaganito?

Noong araw na ako’y nagsabing “ayoko na”, ako’y lumuha.

Dahil ni minsan ay hindi ko naisip na tayo’y magkakaganito.

Pumayag ka, ako’y nasaktan.

Pumayag ka, ako’y nagpakatanga.

Nagpakatanga sa kakahabol sayo na hindi naman gusto.

Nagpakatanga at nagpakahirap.

Oo, nakakahiyang sabihin na ako ang nangiwan at ako ulit ang nagpapakahirap para lamang bumalik ka.

Pero hindi ba’t mas nakakahiya na ako’y iyong lokohin, baliwalain at di bigyang halaga?

Pilit na hinuhulma ang bawat pagkakamali na iyong nagawa.

Ako’y nalinlang sa mga salitang iyong binitawan. Umasa ako na lahat ng iyon ay magkakatotoo, ngunit nagkamali ako. Hindi pala.

Minsan ako’y napapaisip kung ano ang aking ginawa.

Ano ang aking ginawa para tayo’y magkaganito?

Oo nga pala, wala ng tayo.

Wala ng tayo… Masakit, hindi ba? Sayo ay hindi, ngunit sa akin ay oo.

Oo, dahil mahal kita.

Mahal kita? Oo, mahal pa nga pala kita. Pero ayoko na.

Hindi nakakatuwa pakinggan ang mga salitang “mahal kita”, “tayo”, at “ayoko”.

Dahil una sa lahat, mahal pa kita ngunit wala ng tayo at ayoko na.

Bibitaw na ako dahil nakakabahala na. Bibitaw na ako dahil ang hirap na. Bibitaw na ako dahil wala na. Bibitaw na ako dahil ayoko na. Pero higit sa lahat, bibitaw na ako dahil tapos na.

Sa paglipas ng araw, ako’y magiging masaya ng wala ka.

Mawawalan ng pake sayo at ibibigay ito sa iba.

Dahil ang mga panahong nasayang ng aking pag iyak at paghahabol ay iaalay na lamang sa ibang nagpapahalaga.

Sa pagdating ng panahon ay hindi na ako masasaktan.

Lilisan ako ng masaya at maayos. Dahil sa bandang huli, makakalimutan din kita at lalaban ako mag isa. 

— To all of my readers, hello! This is the first time I wrote a spoken word poetry in Filipino so please bear with me if you can’t understand it thoroughly. Thank you. Xxxx